Red Tide alert, nakataas sa ilang baybayin ng Visayas at Mindanao
Nag-isyu ng Red Tide alert ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Local Government Units (LGUs) sa ilang baybayin sa Visayas at Mindanao.
Batay sa inilabas na Shellfish Bulletin no. 16, Series of 2021, na may petsang May 27, positibo sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o Red tide toxin ang mga sumusunod na baybayin:
- Dauis at Tagbilaran city sa Bohol
- Zumarraga, Cabutatay, Irong-irong, San Pedro, Maqueda at Villareal bay sa Western Samar
- Calubian, Carigara at Ormoc at Cancabato Bay sa Tacloban city, Leyte
- Balite Bay, Mati Bay sa Davao Oriental
- Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte
- Lianga at Bislig Bays sa Surigao del Sur
Nagbabala ang BFAR na hindi ligtas kainin o ibenta ang mga shellfish, acetes o alamang na magmumula sa mga nasabing baybayin.
Gayunman, ligtas namang kainin ang mga isda, squids, shrimps at crabs na manggagaling sa nasabing mga karagatan pero dapat ito ay bagong hango o sariwa, hinugasang mabuti at nalinis ang lamang-loob ng mga ito bago lutuin.