Trillanes pinagmumulta ng P600-K ng korte dahil sa paratang na panunuhol laban kay Ex- Makati Mayor Junjun Binay
Hinatulang guilty sa kasong libel ng Makati City Regional Trial Court si dating Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa paratang na panunuhol laban kay dating Makati City Mayor Junjun Binay noong 2016.
Sa desisyon ni Branch 148 Judge Andres Soriano, inatasan nito si Trillanes na magbayad ng Php100,000 at dagdag na Php500,000 bilang moral damages at gastos sa kaso.
Ang kaso laban kay Trillanes ay nag- ugat sa alegasyon nito na sinuhulan ni Binay ang dalawang CA justice kapalit ng pagpigil sa unang suspension order ng
Office of the Ombudsman laban sa dating mayor noong 2016.
Sinabi sa ruling ng judge na bigong mapatunayan ni Trillanes ang akusasyon nito.
Ayon pa sa hukom, dapat ay hindi ito nagpahayag ng “grave allegations” laban kay Binay at sa pamilya nito nang walang kaukulang beripikasyon.
Ipinunto pa ng judge na hindi maaaring gamitin ng akusado na depensa ang freedom of speech o expression sa pagpaparatang nito.
Samantala, sinabi ni Trillanes na ang guilty verdict ay ang halaga na dapat niyang bayaran dahil sa paglaban niya sa mga makakapangyarihang tao.
Gayunman, inihayag ni Trillanes na lahat ng legal remedies ay ipupursige nila para mabaligtad ang desisyon.
Tiniyak din ni Trillanes na hindi mapipigilan ng nasabing “legal setback” ang kanyang adbokasiya na malinis ang gobyerno sa mga tiwali at abusadong opisyal.
Moira Encina