ISDApp, tulong at proteksyon sa mangingisda
Sabi nga kapag ang mangingisda ay hindi nakahuli ng anumang isda, walang ihahain sa hapag kainan ang mga pinoy.
Tunay ngang maituturing na bayani ang isang mangingisda katulad ng isang magsasaka.
Sa panahong ito na nararanasan ang pandemya, sila ay tinatawag ding mga frontliner.
Isa sa nararanasang problema ng mga mangingisda ay ang unos sa laot.
Madalas, hindi nila alam ang kundisyon ng alon, ulap, hangin, bago sila pumalaot upang mangisda.
Hindi rin naman lagi ibinabalita sa radio o sa telebisyon ang tungkol dito, bukod pa sa karamihan sa mangingisda ay walang access sa internet.
Upang ang mga nasabing problemang nasasagupa ng mangingisda ay mabigyang solusyon, isang app ang binuo ng grupong kung tawagin ay Its Now or Never o iNON, ito ay tinawag nilang ISDAapp.
Ayon kay, Dr. Enrico Paringit, Executive Director ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development o PCIEERD-DOST, ang ISDApp ay isang community based application na makapagbibigay ng weather information sa mangingisda na hindi kailangan ang smartphone o internet connection.
Kabilang ito sa mga nagwagi sa kategoryang galactic impact sa ginanap na Space Apps Challenge na inilunsad ng National Aeronautics and Space Administration o NASA at isa ang PCIEERD sa mga judge ng naturang paligsahan.
Sa pamamagitan ng nasabing app na naka install naman sa smartphone ng lokal na opisyal ng lalawigan, maipadadala ang impormasyon sa mga mangingisda sa pamamagitan ng text at nakasulat sa dialekto o wika na kanilang ginagamit.
Manggagaling ang data sa NASA halimbawa ay anong oras sisikat ang araw at paglubog nito, tide, temperatura ng dagat, at iba pa.
Maaari rin gamitin ang app upang magbigay ng impormasyon kung may paparating na unos o kaya ay manawagan kung mangangailangan ng tulong ang isang mangingisda.
Sinabi ni Paringit na magiging matagumpay ang naturang app kung may partnership sa pagitan ng private at public sector.
Malaki aniya ang maitutulong ng private sector sa development, maintenance at updating ng nabanggit na app kaya naman hinihikayat niya ang private sector na magdevelop din ng ganung uri ng weather app upang makatulong sa mga mangingisda na maproteksyunan ang kanilang buhay para sa ikauunlad naman ng kanilang pamumuhay.