Pangulong Duterte hindi isinasara ang pintuan sa pagtakbo sa 2022 bilang Vice president – Malakanyang
Pag-iisipang mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng kanyang mga kapartido sa PDP Laban na tumakbo bilang Bise Presidente sa halalan sa 2022.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tinitimbang ng Pangulo ang sitwasyon dahil nakapaglingkod narin siya sa bayan bilang Presidente.
Ayon kay Roque ipinauubaya ng Pangulo sa Diyos kung ano ang magiging kapalaran niya pagkatapos ng kanyang termino.
Magugunitang nagpasa ng resolusyon ang liderato ng ruling party na PDP Laban sa kanilang general assembly na hinihimok si Pangulong Duterte na tumakbong Bise Presidente sa 2022 elections at pumili ng kanyang makakatandem na presidential candidate.
Sinasabing posibleng isabak ng administrasyon sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon alinman kina Presidential Daughter Davao City Mayor Sarah Duterte o si Senador Bong Go.
Vic Somintac