Sen.Gordon nilinaw na wala pang pinal na desisyon sa 2022 presidential elections
Aminado si Senador at Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon na may plano siya na tumakbo bilang presidente sa eleksyon sa susunod na taon lalo na’t may proven track record na raw siya.
Ito ang inihayag ni Gordon sa pagdiriwang sa ika-50 taon ng 1971 Constitutional Convention.
Pero, niliwanag ni Gordon na wala pa siyang pinal na pasya kung siya ay kakandidato sa 2022 elections dahil madami pang dapat ikonsidera gaya ng gastusin at pamilya.
Ito ay kahit kampante ang senador na kwalipikado at handa siyang pamunuan ang bansa base na rin sa kanyang mga karanasan bilang public servant.
Inisa-isa pa ni Gordon ang mga kwalipikasyon na dapat taglayin ng mga nais na kumandidato bilang presidente.
Para sa senador, dapat ay may puso, integridad at ibubuga ang sinuman na gustong maging lider ng bansa at dapat itong mapatunayan ng mga kakandidato sa mga botante.
Dapat din kaya rin aniya ng mga tatakbo na matiyak na makakalikha sila ng mga trabaho, makapagpapatupad ng disiplina, at mahahabol ang mga masasama.
Inihalimbawa pa ni Gordon ang kanyang mga nagawa bilang PRC chair, Subic mayor, at tourism secretary.
Si Gordon ay dati nang kumandidato noong 2010 presidential elections pero nabigong mahalal.
Nasa 11th place si Gordon sa presidential race survey ng Pulse Asia kamakailan.
Sinabi pa ng senador na posibleng makumbinsi siyang tumakbo sa pagka-pangulo kung sa tingin niya ay higit ang kanyang kakayanan kumpara sa ibang mga nagdeklarang kumandidato bilang presidente.
Moira Encina