MGCQ sa Antique, tatagal hanggang sa katapusan ng Hunyo
Nagsagawa ng pagpupulong si Governor Rhodora J. Cadiao, kasama ang mga alkalde mula sa iba’t-ibang bayan sa Antique at iba pang mga miyembro ng Provincial IATF, upang talakayin ang ilang mahahalagang isyu.
Kabilang dito ang pagpapalawig sa umiiral na Modified General Community Quarantine o MGCQ sa buong lalawigan hanggang June 30, 2021, bilang pag-iingat sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ang mga manggagaling naman sa labas ng region 6 na nagnanais umuwi, ay hahanapan ng negative RT-PCR result, Notice of Coordination mula sa bayan na uuwian at ang approved S-Pass.
Nabanggit din sa pulong na walang exemption sa mga requirements, kaya kahit ang mga batang below 2 years old ay hihingan din ng negative RT-PCR result.
Extended din ang curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.
Ipagbabawal pa rin sa mga senior citizen at minor na lumabas ng bahay, para maka-iwas sa virus.
Maging ang social gatherings ay patuloy ding ipagbabawal, kabilang dito ang cockfighting o sabong.
Inatasan din ng gobernadora ang lahat ng mga alkalde, na ikampanya sa kani-kanilang nasasakupan na magpabakuna na, para mailigtas ang sarili laban sa COVID-19.
Ulat ni Glorybel Obdamen