Hindi pagsunod sa minimum health protocol, dahilan ng paglobo ng kaso ng Covid-19 sa Soccsksargen region – DOH 12
Hindi dahil sa variants of concern ang pangunahing dahilan ng biglaang pagtaas ng Covid-19 sa rehiyon ng Soccsksargen.
Ito ang naging pahayag ni Arjohn Gangoso, Department of Health -Region 12 Health education and promotion officer.
Ayon kay Gangoso, lumobo ang kaso ng virus infection sa kanilang lugar dahil na rin sa hindi pagsunod ng nakararami sa mga umiiral na health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, shield, pagkakaroon ng proper personal hygiene at disinfection at pagsunod sa physical distancing.
Aniya, ang pagsunod sa mga nasabing safety protocol ay ang pinakamabisa pa ring paraan para malabanan ang Covid-19.
Hanggang kahapon ng 6:00 ng gabi, umakyat sa 2,687 ang aktibong kaso sa rehiyon kumpara sa 730 noong nakalipas na Mayo 1.
Pumalo rin sa kabuuang 12,772 ang kabuuang kaso ng Covid-19 na may 397 na namatay at 9,686 recovered patients.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa mga Rural Health units at ospital kaugnay sa variants of concern sa 4 na lalawigan at 4 na lungsod sa rehiyon.
Naisumite na aniya sa University of the Philippines-Philippine Genome Center ang mga sample ng mga indibidwal na nagpositibo sa Covid-19 variants.