Inflation, nanatili sa 4.5 percent
Nakapako pa rin sa 4.5 percent ang inflation o presyo ng mga pangunahing bilihin at mga serbisyo sa nakaraang buwan ng Mayo.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation at kapareho pa rin ng antas ng presyo ng bilihin na naitala noong Abril.
Ayon kay National Statistician Undersecretary Dennis Mapa, pangunahing nakapag-ambag sa inflation ang karneng baboy na umabot sa 22.1 percent, isda gaya ng galunggong na tumaas ng 7.8 percent at tinapay.
Inamin ni Mapa na kahit ibinaba na ang taripa sa karneng baboy, hindi ito nagresulta ng pagbaba sa presyo ng karneng baboy.
Patuloy ring nakaaapekto ang mataas na presyo ng petroleum products at singil sa pamasahe dulot naman ng kakulangan ng pampublikong transportasyon.
Bumaba naman ang presyo ng pagkain at serbisyo sa National Capital Region na naitala na sa 3.6 percent pero mas mataas pa rin ito kumpara sa 1.4 percent kumpara noong Mayo ng 2020.
Ang Region V o Bicol Region, na nakapagtala ng 7.5 percent inflation, ang siya pa ring may pinakamataas na inflation sa mga rehiyon.
Samantala ang Region VII o Central Visayas ang nakapagtala ng pinakamababang inflation na umabot sa 2.1 percent.
Meanne Corvera