Guevarra pinaiimbestigahan sa IACAT ang mga nasa likod ng pagbiyahe sa Maynila ng nasa 300 Badjao
Ikinabahala ng Inter- Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang maramihang pagdating ng higit 300 Badjao na hinihinalang biktima ng human trafficking sa North Harbor sa Maynila mula sa Zamboanga City.
Sinagip ng mga otoridad ang mga Badjao noong Biyernes matapos makatanggap ng impormasyon na nasa 300 Badjao ang dadating sa Maynila lulan ng barko mula sa Zamboanga.
Sa inisyal na impormasyon ng IACAT, isang “undisclosed individual” ang nasa likod ng pagbiyahe ng mga Badjao.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, inatasan na niya ang IACAT na imbestigahan pa ng mas malaliman ang pagbiyahe sa mga Badjao.
Kabilang sa imbestigasyon ng IACAT ang mga taong nagbayad sa transportasyon ng mga indigeneous people (IP) papuntang Metro Manila.
Nakatakdang ibiyahe pabalik ng Zamboanga City ngayong Lunes ng gabi ang mga Badjao.
Sinabi ng IACAT na 250 IPs ang ibibiyahe pauwi sa Zamboanga City sa pamamagitan ng barko.
Maiiwan naman sa pasilidad ng National Housing Authority ang 32 Badjao na may pamilya o tirahan sa Luzon habang isinagawa ng PNP at IACAT ang validation sa kanilang kamag-anak at layunin.
Hindi rin makakasama sa pag-uwi ang 21 iba pa dahil sa kalusugan.
Ayon pa sa IACAT, may apat sa mga nasagip na nagpositibo sa COVID kaya hindi makakasama ang mga ito at kanilang pamilya sa biyahe pabalik ng Zamboanga.
Inilipat na ang mga ito sa Parañaque City LGU para sa isolation at monitoring.
Inihayag ng IACAT na nalabag ang Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa ginawang pagpapadala sa mga IPs sa Maynila
Noong Mayo ay may nasagip rin na Badjao IPs sa NAIA Terminal 3 at sa Mactan International Airport kabilang ang ilang menor de edad.
Moira Encina