DPWH: Bahagi ng Central Luzon Link Expressway, bubuksan na sa mga motorista sa Hulyo
Maaari nang madaanan ng mga motorista sa susunod na buwan ang bahagi ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX).
Sinabi ni Public Works and Highways Sec. Mark Villar na ang unang 18-kilometer segment ng CLLEX ay bubuksan na mula sa SCTEX/TPLEX connection sa Tarlac City hanggang sa intersection ng Aliaga-Guimba Road sa Aliaga, Nueva Ecija.
Ayon sa kalihim, ang expressway ay magiging efficient na alternatibong ruta para sa mga magtutungo sa Nueva Ecija sa oras na magbukas ito sa mga motorista sa Hulyo.
Personal na ininspeksyon ni Villar ang itinatakbo ng road project na 94% ng kumpleto.
Nagkakahalaga ng mahigit P11.81 billion ang CLLEX na pinondohan ng loan mula sa Japan International Cooperation Agency.
Sa ulat ni Public Works and Highways Usec. Emil Sadain, sinabi na minamadali na nila ang delivery ng right of way requirements sa proyekto.
Katuwang din aniya ng DPWH ang Office of the Solicitor General sa paghawak sa expropriation complaints at iba pang right of way-related cases.
Sa oras na makumpleto na ang buong 30-kilometer CLLEX ay magiging 20 minuto na lang ang biyahe sa pagitan ng Tarlac City at Cabanatuan City mula sa kadalasang 70 minutong travel time.
Moira Encina