LPA malapit sa boundary ng PAR namataan; Makulimlim na panahon asahan sa buong kapuluan dahil sa Monsoon trough
Patuloy na nakakaapekto ang Monsoon trough sa buong kapuluan.
Ayon sa PAGASA, ito ang magdadala ng maulang panahon sa bansa sa susunod na 24 oras.
Ang monsoon trough ayon sa weather bureau ay ang pagtatagpo ng hanging Habagat mula sa Southern Hemisphere at hanging mula sa Northern Hemisphere.
Kapag nagtagpo ang dalawang hangin na ito ay nagkakaroon ng kaulapan at mga pag-ulan.
Samantala, may namataang sama ng panahon o Low Pressure Area ang PAGASA malapit sa boundary ng Philippine Area of Responsibility o sa layong 655 kilometers Kanluran ng Hilagang Luzon.
Pero batay sa forecast ng PAGASA, mababa ang tsansa na mabuo ito bilang bagyo at hindi rin tatama sa kalupaan.
Gayunman, posibleng pumasok ito sa PAR sa dako ng West Philippine sea sa susunod na 24 oras pero unti-unti din na lalayo sa bansa patungong Southern China.
Ngayong araw, inaasahan ang makulimlim na panahon sa halos buong bansa at mga pag-ulan lalu na sa hapon at gabi.
Pinag-iingat ang publiko lalu na sa mga nasa landslide at flood prone areas.
Inaasahang papalo ng hanggang 29 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila at 32 degrees naman sa Tuguegarao city.
Wala ring nakataas na gale warning pero pinag-iingat ang mga maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat lalu na kung may thunderstorm.