Polio outbreak sa Pilipinas tapos na
Matapos ang ilang taong pakikipaglaban, natapos na ang outbreak ng Polio dito sa Pilipinas.
Inanunsyo ito mismo ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng World Health Organization sa Pilipinas sa isang virtual press briefing.
Matatandaang noong Setyembre ng 2019 ay inanunsyo ng Department of Health ang polio outbreak sa bansa.
Ang unang kaso ng Polio ay isang 3 taong gulang na batang babae mula sa Lanao del Sur.
Dahil rito muling inilunsad ng DOH ang Sabayang Patak Kontra Polio campaign kung saan binibigyan ng oral polio vaccine ang mga batang nasa 5 taon pababa.
Habang may ilang lugar naman gaya sa Mindanao ang binigyan din ng oral polio vaccine ang mga batang nasa edad 9 pababa.
Ang deklarasyon na tapos na ang polio outbreak sa Pilipinas ay matapos wala ng natukoy na polio virus sa mga bata sa nakalipas na 16 na buwan.
Ayon kay Abesayinghe, aabot sa 11 milyong bata ang nabigyan ng oral polio vaccine sa ginawang anti polio campaign dito sa bansa.
Pinuri rin ng WHO ang mga naging hakbang ng Pilipinas para mawakasan ang polio outbreak sa gitna ng mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.
Madz Moratillo