Aktibong kaso ng COVID-19 sa hudikatura, mahigit 100 na lang
Nasa 100 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hudikatura.
Sa Chief Justice Meets The Press, inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na 115 kawani ng hudikatura ang kasalukuyang nagpapagaling pa mula sa virus.
Aniya sa kabuuan ay 1,994 ang nahawahan ng COVID sa Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at mga trial courts mula noong nakaraang taon.
Mula sa nasabing bilang ay 1,846 ang gumaling habang 33 ang pumanaw.
Samantala, ipinagmalaki ni Gesmundo na sa kabila ng pandemya ay matagumpay na nakapagdaos ang hudikatura ng videoconferencing hearings.
Batay sa pinakahuling tala ng Supreme Court noong June 4, umaabot na sa 327, 991 ang naisagawang videoconferencing hearings sa iba’t ibang korte na may mahigit 87% average success rate.
Gayundin, sa tulong ng mga isinagawang tuluy-tuloy na mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing ay 90,040 persons deprived of liberty o PDLs at 1,217 children in conflict with the law ang nakalaya sa panahon ng pandemya.
Moira Encina