24-month rule sa pagresolba ng mga kaso, mahigpit nang susundin ng SC justices
Nagpasya ang mga mahistrado ng Korte Suprema na mahigpit nang sundin ang 24 na buwan na nakasaad sa Saligang Batas para resolbahin ang isang kaso.
Sa pulong balitaan, inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na ang isa sa kanyang tututukan sa kanyang panunungkulan bilang punong mahistrado ay ang pag-decongest o pagbawas ng mga kasong nakabinbin sa korte.
Kaugnay nito, sinabi ni Gesmundo na para sa mga kaso, petisyon at iba pang court matters na inihain sa Korte Suprema pagkatapos ng April 5, 2021 ay istrikto nang susundin ng justices ang 24-month period para ito ay desisyunan alinsunod sa Konstitusyon.
Ayon pa sa punong mahistrado, may mga hakbangin na rin ang mga adjudicative offices sa Korte Suprema upang kumuha ng mas maraming law clerks para sa mga tanggapan ng justices.
Ito ay upang makatulong sa pagbawas sa malaking bilang ng “aging cases” o mga kasong lumagpas na sa 24 na buwan para resolbahin.
Bukod sa mga ito, inihayag ni Gesmundo na pinagtibay ng SC ang ilang amyenda sa kanilang internal rules na layong ma-decongest ang court dockets.
May mga plano na rin aniya ang Korte Suprema na kumpletuhin na ang revisions sa buong Rules of Court sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Rules of Criminal Procedure na huling nirebisa noong 2000, at sa Rules on Special Proceedings.
Moira Encina