Limitasyon para sa pagpapatayo ng mga Power Generation facilities, pinatatanggal
Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na tanggalin ang 100-kilowatt na limitasyon para sa pagpapatayo ng mga power generation facilities sa ilalim ng tinatawag na net-metering program.
Ito’y para mahikayat ang mga malalaking kumpanya na mamuhunan sa paggamit ng mga renewable energy resources.
Naghain na si Gatchalian ng Senate Bill No. 2219 para alisin ang 100 kW cap at bigyan ng mandato ang Energy Regulatory Commission para tukuyin ang cap habang isinasaalang-alang ang posibleng epekto ng katatagan ng grid pati na ang presyo para sa mga customer.
Paiikliin din ang pagpoproseso ng mga dokumento, kasama na ang minimum requirements ng mga local government unit batay sa nakasaad na time frame, sa ilalim ng Republic Act No. 11234 na mas kilala sa tawag na Energy Virtual One Stop-Shop Act.
Naniniwala ang Senador na mas maraming commercial establishments, industrial buildings, at opisina ng gobyerno ang maaaring makinabang kapag tuluyan nang tinanggal ang 100-kilowatt cap sa net-metering program na nasa ilalim ng Republic Act No. 9513 o ang Renewable Energy Act of 2008.
Nakasaad sa RA 9513 ang net metering na ang konsyumer ng kuryente ay pinapayagang magtayo ng renewable energy facility sa kanilang nasasakupan hanggang sa kapasidad na 100 kW at ang hindi makukunsumong kuryente ay dadalhin sa distribution utility at kailangang maipasa rin ito sa konsyumer sa pamamagitan ng diskwento sa kanilang electricity bill.
Bukod sa dadami ang mamumuhunan sa paggamit ng RE, makakatipid din sa konsumo ng kuryente ang mga maglalagay ng mga power generator facilities katulad ng solar panels sa mga bubungan oras na tinanggal na ang 100 kW cap.
Senador Gatchalian:
“Ang mga bubong ay mistulang real estate na rin dahil pwede kang magkabit doon ng panels at mag-generate ng revenue. Kung dati ang pinakasilbi ng rooftops ay ang protektahan ang property mo, ngayon maaari na rin itong maging instrumento para bumaba ang singil sa kuryente. Ngunit dahil sa limitasyon na nakasaad sa umiiral na batas, hindi ito naisasakatuparan”.
Meanne Corvera