Guevarra: 52 case files ng PNP sa anti-drugs operations, hawak na ng DOJ
Umaabot sa 52 case records ng PNP kaugnay sa anti-illegal drugs operations ang natanggap na ng DOJ.
Sa video statement ni Justice Sec. Menardo Guevarra ukol sa Review Panel at UN Joint Program on Human Rights, sinabi nito na sa tulong ng PNP ay na-access na ng DOJ ang files ng 52 kaso na inimbestigahan ng Internal Affairs Service ng Pambansang Pulisya.
Sa nasabing mga kaso ay may nakitang administratibong pananagutan laban sa daan-daang pulis dahil sa sinasabing misconduct sa panahon ng anti- drug operations.
Ayon pa kay Guevarra, hawak na rin ng DOJ ang 107 case records mula sa PDEA.
Tiniyak ng kalihim na habang nirerebyu ng DOJ ang mga nabanggit na rekord ay mahigpit din nitong binabantayan ang preliminary investigation at prosekusyon ng 87 kasong kriminal na isinampa laban sa mga tauhan ng PNP.
Ang mga kaso ay nag-ugat sa sinasabing wrongful conduct habang nagsagawa ng anti-drugs operations.
Noong Hunyo ng nakaraang taon ay bumuo ng Inter-Agency Review Panel na pinangunahan ng DOJ na nag-rebyu sa mga kaso ng anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Sa kanyang ulat sa UN Human Security Council noong Pebrero, inihayag ni Guevarra na batay sa inisyal nilang rebyu ay hindi nasunod ng mga pulis ang mga standard protocol sa mga operasyon.
Moira Encina