Makasurvive kaya sila kapag nagdagdag ng buwis?

Mga ka-isyu, kumusta na kayo? Sa mga estudyante po natin na gustong-gusto nang bumalik sa kanilang mga eskuwelahan at magkaroon na ng face to face na klase, malabo pa.

Sabi mismo ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., hangga’t hindi nakukuha ang 70% na herd immunity at mabakunahan ang 30 milyong menor de edad, malabo pa ang face to face na klase, kaya malamang next year na.

Sa Amerika, ang pinapayagan lamang na gamitin na bakuna para sa minors, 12-17 years old ay Pfizer. E, ang Pfizer sa Pilipinas ay limitado pa ang suplay. ‘Yun namang Sinovac na sinasabi ng China na puwede sa tatlong taong gulang hanggang 17 years old ay wala pang opisyal na resulta ng pag-aaral na inilalabas.

So, malabo pa ring magamit, dahil ang desisyon ng gobyerno, hangga’t walang bakuna lalo na para sa mga estudyante, menor de edad, elementary at high school, malabong mangyari ang face to face na klase. Kaya mananatili ang blended learning system, modular, at idadaan sa online.

Kahit problema ang internet signal, talagang sakit sa ulo. Sa modular learning talagang nababagot na ang ilang mga estudyante, pero, pagtiisan na muna, ito lang ang tanging paraan para magtuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa gitna ng pandemya. Hinihintay ng DepEd kung kailan mababakunahan ang mga menor de edad.

Samantala, isa sa problemang kinakaharap kung sakali ng mga may-ari o operator ng mga pribadong paaralan ay ang ukol sa binabalangkas na batas ng kongreso ang pagsusulong ng Corporate Recovery And Tax Incentives for Enterprises o CREATE.

Magpapataw ng dagdag na income tax at corporate tax sa mga pribadong paaralan at pribadong ospital. Alam po ninyo, wala tayong masamang tinapay ika nga, tungkol sa isyung ito, dahil alam naman natin na ang power of taxation ay one of the three inherent powers of the state, at dito nabubuhay ang gobyerno.

Kaya lang naman, kung sa ganitong pagkakataon, magtataas ng buwis sa gitna ng pandemya? Kung kelan ang mga pribadong paaralan ay nalumpo ng husto? Kung kelan karamihan sa kanilang mga estudyante ay hindi na nga nakapag-enrol? Kung kelan bagsak ang kanilang kita? Palagay n’yo makakasurvive kaya sila?

Kahit ang mga pribadong ospital na sinasabing ang utang ng Philhealth ay malaki at hindi nababayaran. Tapos, papatawan ng karagdagang buwis sa gitna ng pandemya? Makatuwiran ba ‘yan, bayang nakikinig?

End

Please follow and like us: