Justice Sec. Guevarra nilinaw ang pahayag ni PRRD na ipapaaresto ang mga ayaw magpabakuna
Idinipensa ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapaaresto ang mga tumangging magpabakuna laban sa COVID-19.
Naniniwala ang kalihim na gumamit lang ng mabibigat na pananalita ang presidente para igiit ang pangangailangan na mabakanuhan kontra COVID ang mga mamamayan at magkaroon ng herd immunity sa bansa sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Guevarra, bilang abogado alam ng pangulo na wala pang batas na nag-aatas para magpaturok laban sa COVID ang mga Pilipino.
Dagdag pa ni Guevarra na batid ng pangulo na walang batas na ginagawang krimen ang umaayaw na magpabakuna dahil ang mga available na bakuna ay nasa trial phases pa lang.
Una nang sinabihan ni Duterte ang mga ayaw magpaturok laban sa COVID na umalis na lamang sa bansa.
Aniya ang pagbabakuna lang ang tanging paraan para masugpo ang pandemya.
Ayon sa pangulo, ang mga tumanggi na magpabakuna ay potential carrier ng virus at nilalagay ng mga ito sa panganib ang buhay ng iba.
Moira Encina