US gov’t nag-donate sa Pilipinas ng HIV prevention drugs
Tumanggap ang Pilipinas ng 20,000 HIV prevention drugs bottles mula sa gobyerno ng Estados Unidos.
Ayon sa US Embassy, ang donasyon ay bahagi ng President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR).
Kasabay ng pagbigay ng US ng nasabing gamot sa DOH ay pormal ding inilunsad ang Php500 million na USAID-PEPFAR program sa bansa.
Sinabi ni US Embassy Chargé d’Affaires John Law na committed ang US government na suportahan ang Pilipinas na maging AIDS-free ito pagdating ng 2030.
Aniya ang first tranche ng HIV prevention drugs ay inisyal na hakbang para makamit ang layon ng bansa na matapos ang AIDS.
Tinatayang 3,500 kliyente mula sa mga pangunahing populasyon sa Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON ang mapagkakalooban ng libreng HIV prevention drugs sa loob ng dalawang taon ng USAID-PEPFAR.
Nagpasalamat naman ang DOH sa suporta ng Estados Unidos sa laban sa AIDS.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, mabisa ang mga nasabing gamot para mapigilan ang HIV transmission.
Moira Encina