P1.6-B clean energy project sa Pilipinas, inilunsad ng USAID
Lumagda na ang Department of Energy (DOE) at US Agency for International Development (USAID) sa memorandum of understanding para sa limang taong clean energy project.
Ayon sa US Embassy, nagkakahalaga ng P1.6 bilyon ang Energy Secure Philippines (ESP) project.
Layunin ng proyekto na maging mas competitive, secure, at resilient ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng ESP, makikipag-tulungan ang US sa gobyerno at mga pribadong sektor sa Pilipinas para mapaghusay ang performance at efficiency ng energy utilities, mag-deploy ng renewable energy systems, mapagbuti ang kompetisyon sa power sector, at matugunan ang energy sector cybersecurity.
Gagamitin din ng US ang mahigit Php36 bilyong private sector investment at tutulong sa pag-develop ng 500 megawatts ng clean energy generation capacity.
Ang lumagda sa MOU ay sina USAID Philippines Acting Mission Director Sean Callahan at Energy Secretary Alfonso Cusi.
Sumaksi rin sa virtual signing sina US Embassy Chargé d’Affaires John Law at Energy Regulatory Commission Chairperson Agnes Devanadera.
Moira Encina