Pag-aaksaya nga ba ng panahon ang usapin sa pag-aarmas ng civilian volunteers?
Magandang araw mga ka-isyu! ‘Yun pong panukala na armasan ang civilian volunteers, ito ay ideya pa lamang ayon sa Malakanyang. Balak pa lamang, dahil nais ng Pangulo na magkaroon ng force multiplier.
Sa bahagi ng Philippine National Police, hindi nangangahulugan na ang civilian volunteers ay bibigyan ng gobyerno ng armas. Hindi daw po ganito. Dadaan sa proseso.
Kung paanong ang sibilyan na may karapatan na magmay-ari ng baril o magkalisensiya, ganundin ang prosesong pagdaraanan. Hindi ang gobyerno ang bibili ng baril para sa civilian volunteers.
Ngayon, ang isyung ito ay umaani ng matinding pagtutol at pagbatikos mula kay Vice President Leni Robredo, kay Sen. Panfilo Lacson na naging hepe ng PNP.
Salungat naman ang pananaw ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na dati ring PNP Chief. Sabagay, ano ba ang aasahan kay dela Rosa kundi ang sang-ayunan ang Presidente. E, si Senador Lacson naman ay mukhang may balak din para sa 2022.
Kaya sa isyung ito na armasan ang civilian volunteers, ang sabi ng Palasyo ay hindi pa naman final, nasa isip pa lamang. Binigyang -diin ng Malakanyang na hindi pa pinal ang pagbibigay ng armas sa civilian anti-crime volunteers para tumulong sa pagsugpo ng kriminalidad.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na pag-aaksaya lang ng oras kung pag-uusapan ito dahil hindi pa naman patakaran o polisiya ng administrasyon.
Sa ngayon ay puro espekulasyon pa lamang ang mga sinasabing posibleng magiging epekto kapag inarmasan ang civilian groups.
Sakaling maging patakaran ito, tiyak na dadaan ito sa masusing screening at pagsasanay. Dapat ay timbanging mabuti ayon pa rin sa tagapagsalita.
Kaya dahil balak pa lang naman, kaya relax lang!
Please follow and like us: