Proyekto para malabanan ang wildlife trafficking sa Palawan, inilunsad ng US Embassy
Tutulong ang US Embassy sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) para malabanan ang wildlife trafficking, illegal logging at iba pang environmental crimes sa isla.
Ito ay sa pamamagitan ng dalawang taong environmental justice program na nagkakahalaga ng Php24 million.
Ayon sa US Embassy, layunin ng proyekto na mapalakas ang institutional capacity ng PCSD at ng national law enforcement partners nito sa paglaban at pagpigil sa environmental crimes mula sa pagdakip hanggang sa prosekusyon ng kaso.
Sa ilalim ng programa, magbibigay ang Office of International Narcotics and Law Enforcement Affairs ng US Embassy at ang US Forest Service ng technical at practical training sa PCSD.
Sinabi naman ng PCSD na ang nasabing suporta ng US ay kapaki-pakinabang sa pagpapalakas ng kapasidad ng organisasyon upang matugunan ang mga environmental crimes.
Ang proyekto ay bahagi ng komprehensibong programa ng US Embassy para malabanan ang wildlife trafficking.
Moira Encina