PUV drivers at mga vendor target mabakunahan sa oras na simulan na ang COVID 19 Vaccine Express sa Cagayan de Oro City
Mga driver ng pampublikong sasakyan at mga vendor naman ang target mabakunahan kontra COVID 19 para sa Vaccine Express ni Vice President Leni Robredo na dadalhin sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez, nakipagpulong na sila sa tanggapan ni Robredo sumulat na rin sila sa Department of Health para sa mga bakuna.
Dalawampung libong doses ng bakuna aniya ang kanilang target para sa Vaccine Express kung saan 10 libong driver ng trisikad, habal habal, tricycle, jeepney, taxi at maging market vendor ang target mabigyan ng bakuna.
Ang vaccination program ay gagawin aniya sa 4 na lugar para masiguro ang physical distancing.
Maliban sa CDO, una ng tiniyak ng OVP na handa silang dalhin ang vaccine express sa ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao kabilang ang Davao City.
Ayon kay Atty Barry Gutierrez, tagapasalita ni Robredo, handa nilang tulungan din ang Davao City sa COVID 19 response kung papayagan ni Mayor Sara Duterte.
Matatandaang una ng nagkaroon ng isyu sina Robredo at Mayor Sara matapos hindi nagustuhan ng alkalde ang mungkahi ni Robredo na tularan ng Davao City ang COVID-19 approach ng Cebu City.
Madz Moratillo