Ceremonial COVID-19 vaccination sa A4 priority group, isinagawa sa Santa Rosa City, Laguna
Nakatanggap na ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 ang 600 indibidwal na kabilang sa A4 priority group sa Santa Rosa City, Laguna.
Ito ay sa isinagawang ceremonial vaccination sa mga economic frontliners sa lungsod.
Ang mga nabakunahan ay mga manggagawa mula sa Laguna Technopark.
Kabilang sa mga sumaksi sa ceremonial vaccination ay si Presidential Spokesperson Harry Roque, NTF Deputy Chief Implementer Vince Dizon, at Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas.
Ayon sa alkalde, magsisimula ang pagbabakuna sa mga nasa A4 category sa oras na dumating na ang biniling bakuna ng pribadong sektor at ang alokasyon mula sa nasyonal na pamahalaan.
Aniya inaasahang darating sa July 18 ang biniling AstraZeneca vaccines ng Santa Rosa LGU.
Sinabi pa ni Arcillas na plano ng lungsod na makapagturok ng 3,000 indibidwal kada araw kapag dumating ang sapat na suplay na anti-COVID vaccines mula sa DOH.
Target din aniya ng city government na madagdagan pa ang vaccination sites para mapabilis ang pagbabakuna.
Moira Encina