Rules sa paggamit ng body cameras, malapit nang ilabas ng Korte Suprema
Tiniyak ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa liderato ng Pambansang Pulisya na malapit nang ilabas ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras sa pagsisilbi ng arrest at search warrants.
Sa courtesy call ni PNP Chief Guillermo Eleazar at iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya kay Gesmundo, siniguro ng punong mahistrado na ikinonsidera at binalanse ng SC sa pagbuo ng special rules ang karapatan ng mga indibidwal at ang responsibilidad at tungkulin ng mga alagad ng batas.
Ang pangunahing layunin aniya ng rules ay matiyak na hindi mababalewala ang constitutional rights ng mga tao at mabibigyan din ng leeway ang law enforcers para epektibo nilang magampanan ang kanilang gampanin.
Wala naman binanggit si Gesmundo na petsa kung kailan ilalabas ng Korte Suprema ang mga nasabing rules.
Sinabi pa ni Gesmundo sa mga opisyal ng PNP na kakausapin nito ang Philippine Judicial Academy para sila ang magkaloob ng pagsasanay sa lahat ng mga sangkot sa pagpapatupad ng mga rules sa paggamit ng body cameras.
Maaari aniyang magpadala ang PNP ng mga kalahok mula sa hanay nito para sa isasagawang training.
Una nang inihayag ni Gesmundo na posibleng maisapinal ng SC ang mga rules sa Hulyo.
Matatandaang dumulog sa Korte Suprema ang iba’t ibang grupo kabilang ang mga abogado para rebyuhin ang proseso at rebisahin ng SC ang rules sa issuance ng mga warrants bunsod ng ilan insidente ng pagkamatay ng mga suspek sa panahon ng pagsisilbi ng warrants ng mga pulis.
Moira Encina