Senador Pacquiao, nanindigang siya ang lehitimong Presidente ng PDP-Laban
Nanindigan si Senador Manny Pacquaio na siya ang lehitimong Pangulo ng ruling party at kumpiyansang hindi mapatatalsik sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Pinabulaanan ng Senador ang alegasyon ng isang paksyon ng mga kapartido na isa lamang siyang acting president ng administration party.
Iginiit ni Pacquiao na naitalaga siya sa pamamagitan ng succession.
Hindi nababahala ang Senador na maaari siyang matanggal sa ipinatawag na National Assembly ng partido ngayong Hulyo.
Katwiran ni Pacquaio, nasa kaniya ang suporta ng may 100,000 miyembro.
Dismayado aniya ang mga ito sa mga pagkilos ng grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi na pinagwawatak-watak ang partido.
Inamin rin ng Senador na maraming partido ang nag-aalok sa kaniya para tuluyang tumawid ng bakod pero maninindigan pa rin siya sa PDP-Laban.
Senador Pacquaio:
“Maraming members ang nagsusupport po sa akin at sila po ang active members ng PDP-Laban. Marami pong naawa sa akin dahil wala naman po akong ginagawang masama. Marami pong naawa at gusto akong, open ‘yong door para sa akin para lumipat sa kanilang partido. Pero ang sa akin, marami pong salamat sa inyo pong willing na pagtanggap sa akin pero gusto ko lang pong ipaalam na nandito pa po ako sa PDP, at gusto kong ayusin at turuan ang mga tiwaling myembro ng partido na ito”.
Meanne Corvera