End HIV Stigma Coalition balak na sampahan ng disbarment at criminal case si Atty. Larry Gadon
Bukod sa disbarment complaint sa Korte Suprema, plano rin ng iba’t ibang grupo at komunidad ng people living with HIV (PLHIV) na sampahan ng kasong kriminal si Atty. Lorenzo “Larry” Gadon.
Ito ay bunsod ng malisyosong pahayag ni Gadon sa isang radio program na nagmumungkahi na pumanaw si dating Pangulong Noynoy Aquino dahil sa komplikasyon dala ng AIDS.
Ayon sa End HIV Stigma Coalition, malinaw na paglabag sa RA 11166 o ang Philippine HIV Policy Act ang ginawa ni Gadon.
Sa ilalim ng Section 44 ng batas, dapat na panatilihin ang confidentiality at privacy ng HIV-related information.
Iginiit ng mga organisasyon na hindi dapat i-tolerate ang breach sa confidentiality, bullying at diskriminasyon laban sa PLHIV.
Sinabi ng grupo na bukod sa paglabag RA 11166 ay maaari din nilang kasuhan sa hukuman ng paglabag sa Cybercrime law at Data Privacy Act si Gadon.
Inihayag pa ng End HIV Coalition na bukod sa PLHIV communities sa Metro Manila ay nagpahayag ng kahandaan ang iba’t ibang inbididwal at organisasyon sa labas ng NCR na kasuhan din ang abogado.
Samantala, target ng koalisyon na maihain sa Supreme Court ngayong linggo ang disbarment complaint laban kay Gadon.
Nilabag anila ni Gadon bilang abogado ang Code of Professional Responsibility bunsod ng mga akto nito.
Binigyang-diin ng grupo na iresponsable, dishonest, at unlawful ang pahayag ni Gadon na nagpaparatang na may HIV si Aquino.
Moira Encina