Pagkamatay ng isang pasyente sa DavOr na nagpositibo sa South African variant, kinumpirma ng DOH
Kinumpirma ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na isang pasyente sa Davao Oriental na nagpositibo sa South African variant ng COVID-19 ang nasawi.
Pero giit ni Vergeire, hindi ito dapat magbigay pangamba sa publiko.
Ang 63-anyos na lalaking pasyente aniya ay mayroong comorbidities na hypertension at diabetes.
Dahil aniya sa comorbidities ng pasyente ay naging very vulnerable ito sa sakit.
Ayon kay Vergeire, matapos nagpositibo sa Covid-19 nakasama ang sample ng nasabing pasyente sa mga isinailalim sa genome sequencing kung saan natukoy na positibo ito sa South African variant.
Ang pasyente ay nasawi aniya nitong May 17.
Sa datos ng Department of Health, may 1,386 kaso Beta o South African variant ang naitala sa bansa.
Pero sa bilang na ito, 12 na lang ang aktibong kaso.
May 47 naman ang nasawi sa mga nakitaan ng variant na ito.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang publiko lalo ang mga matatanda at may commorbidities na magpabakuna na kontra Covid-19.
Madz Moratillo