Vice Chairman at Energy Sec. Cusi, Deputy Sec. Gen. Matibag at Membership Head Naik, pinatalsik bilang mga opisyal sa PDP-Laban dahil sa paglabag sa Party Constitution
Napatalsik na sa ruling party na PDP-Laban sina Vice Chairman at Energy Secretary Alfonso Cusi, Deputy Secretary General Melvin Matibag at Membership Head Astra Naik.
Ayon kay PDP-Laban executive director Ron Munsayac, ang pagpapatalsik sa naturang mga opisyal ay dahil sa paglabag sa kanilang Party Constitution.
Batay na rin ito sa inaprubahang tatlong resolusyon ng PDP-Laban na inisyu ni PDP-Laban President at Senador Manny Pacquaio, at PDP-Laban National Executive Committee.
Sa Resolusyon na may petsang June 12, 2021, inaalis sina Cusi, Matibag at Naik dahil sa paglabag sa Article 7, Section 6 ng Konstitusyon ng partido.
Minanipula umano ng naturang mga opisyal ang party para suportahan ang Duterte-Duterte tandem at lantarang pagsuporta kay Davao city Mayor Sara Duterte Carpio bilang kandidato sa pagka-Pangulo samantalang hindi ito miyembro ng partido.
Part of Resolution:
“Vice Chairman Cusi is already manipulating the party to support the Duterte-Duterte tandem which is a blatant admission of supporting Sara Duterte Carpio for President, who is not a member of the Party. He is guilty of having allegiance to a candidate and her political ideals and party. Such a candidate does not even believe in Federalism, her party fielded candidates against and opposed official candidates of PDP-Laban in 2019 Elections, and she is vehemently opposed to joining the PDP-Laban Party“
Samantala, naglabas rin ng resolusyon ang Partido para ipawalang-bisa ang anumang kasunduan o naaprubahang resolusyon ng grupo nina Cusi noong May 31 meeting at ang nakatakdang pagpapatawag ng National Assembly sa July 17.
Sa May 31 meeting naaprubahan ang resolusyon para sa pagsusulong ng kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Vice-President sa May 2022 national elections.
Ang tatlong resolusyon aniya ay inilabas ng N-E-C ng partido bilang tugon sa manifesto na pirmado ng may 10,000 mga miyembro.
Kinukondena aniya ng mga miyembro ang pananabotahe ng grupo nina Cusi at Matibag sa kasalukuyang liderato ng partido na taliwas sa kanilang interes.
Binibigyan naman ng otorisasyon ng NEC si Pacquiao bilang Party President na mag-organisaat at mag-appoint ng investigation committee na susuri sa mga miyembro nitong lumabag sa kanilang konstitusyon.
Si Pacquaio rin ang inatasan na magpatawag ng anumang national assembly meeting dahil batay sa itinatakda ng Article XVII Section 1 ng PDP-Laban Constitution na ang Pangulo lang ng Partido ang maaaring lumagda sa mga dokumento.
Wala pang pahayag sina Cusi at Matibag hinggil dito.
Meanne Corvera