Umano’y mga nawawalang Sinovac vaccine sa Northern Samar, iimbestigahan na ng NBI
Inatasan na ni Justice secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Imbestigation (NBI) na tumulong sa imbestigasyon sa umano’y napaulat na mga nawawala at hindi otorisadong paggamit ng Sinovac anti-Covid-19 vaccine sa Northern Samar.
Ayon sa kalihim, tutulong ang NBI sa Philippine National Police at Northern Samar Provincial board sa gagawing imbestigasyon.
Batay sa ulat na natanggap ng DOJ, nasa 15 doses ng mga bakuna ng Sinovac ang inilabas mula sa Northern Samar Provincial Hospital at dinala umano sa bahay ng isang pulitiko sa Catarman.
Pinatunayan ng isa sa Provincial vaccination team na 50 doses ng Sinovac ang nakatalaga para sa June 10 vaccination day ngunit 35 doses lamang ang naiturok.
Ang mga hindi nagamit na bakuna umano ay ibinigay kay Dr. Catherine Miral ng Provincial Health Office.