Mga pulitiko na inuuna ang May 2022 elections kaysa COVID-19 response pinasaringan

Kahit walang pinangalanan, pinasaringan ni Vice President Leni Robredo ang mga pulitiko sa bansa na tutukan muna ang pagtugon sa COVID cases sa kanilang lugar kaysa unahin ang May 2022 National and Local elections.

Hindi maiwasang madismaya ni Robredo sa ilang opisyal ng gobyerno na ngayon pa lamang ay nag-iingay na para sa kanilang sariling karera at partido para sa nalalapit na halalan.

Habang patuloy aniya ang paglobo ng COVID- 19 cases sa bansa, dapat mas tutukan ito ng mga nakapwesto sa pamahalaan kaysa nalalapit na halalan.

Una rito, may iringan ngayon sa PDP Laban na partido ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos suportahan ng ilang myembro nito ang panliligaw kay Davao City Mayor Sara Duterte para kumandidato sa pagka presidente gayung isa itong outsider sa partido.

Ang Davao City kabilang ang ilang lungsod sa Mindanao na may pinakamataas na COVID cases sa labas ng National Capital Region.

Sa datos ng OCTA Research, nasa 90% o very high ang hospital intensive care unit utilization rate sa Davao at naglalaro naman sa 303 cases ang naitatala araw araw.

Ang Davao City ay nanatiling nasa klasipikasyon ng high-risk area ng COVID-19.

Madz Moratillo

Please follow and like us: