Mga doktor na nagreseta ng hindi rehistradong gamot o bakuna mahaharap sa kasong kriminal – FDA

Hindi lang mga importer at nagbebenta ng unregistered na gamot o bakuna ang maaaring maharap sa kasong kriminal kundi maging mga doktor na nagreseta o nagbigay nito.

Paliwanag ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo, bawal magreseta at magbenta ng gamot na hindi rehistrado sa ahensya.

Una rito, inamin ni San Juan Cong. Ronaldo Zamora na nakatanggap siya ng dalawa dose ng COVID- 19 vaccine ng Sinopharm noong Disyembre ng nakaraang taon.

Nang mga panahon na iyon, ang Sinopharm ay wala pang Emergency Use Authorization mula sa FDA.

Nitong Pebrero naman, naglabas ng Compassionate Special Permit ang FDA para sa donasyong Sinopharm vaccines upang magamit ng mga myembro ng Presidential Security Group.

Nitong Hunyo naman, binigyan na ng Emergency Use Authorization ng FDA ang Sinopharm.

Pero paglilinaw ni Domingo, wala namang pananagutan sa batas ang mga nakabili o nabigyan na ng hindi rehistradong gamot o bakuna.

Naging kontrobersyal ang pag-amin na ito ni Zamora dahil bukod sa pagpapabakuna nya ng Sinopharm vaccine, inamin din nyang binakunahan pa siya ng COVID- 19 vaccine ng Pfizer ng 2 dose rin na nagsisilbi namang booster shots.

Ayon kay Zamora, ito ay sa payo narin umano ng kanyang mga doktor dahil siya ay immunodeficient.

Sa gitna ng isyu ng booster shot, iginiit rin ni Domingo na wala pang matibay na ebidensiya patungkol rito.

Dito sa bansa, nagsasagawa na aniya ng pag-aaral ang Department of Science and Technology hinggil sa tagal ng bisa ng COVID- 19 vaccine.

Madz Moratillo

Please follow and like us: