Covid-19 cases sa Davao city, dapat pababain muna bago pag-usapan ang pulitika
Sa halip na pamumulitika, dapat tutukan muna umano kung paano mapapababa ang tumataas na Covid 19 cases sa Davao City.
Ito ang iginiit ni Dr. RJ Naguit, tagapagsalita ng Akbayan, kasunod ng umuugong na posibilidad ng pagkandidato ni Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-Pangulo sa May 2022 National and Local Elections.
Ayon kay Naguit, hindi maihihiwalay ang pulitika sa kasalukuyang pandemic pero ang hinihintay aniya ng publiko ay yung makakatulong sa kanila sa kasalukuyan at hindi ang pag uusap sa kung anong posisyon o partido ang tatakbo para sa 2022 election.
Giit ni Naguit, ang pag-iingay para sa Duterte-Duterte tandem sa 2022 election ay “show of power” lamang na tila pagpapakita na kaanib nila ang supermajority.
Kung ang ganitong power ay ilalaan aniya sa pagresolba sa mga naging kahinaan sa pagtugon sa COVID 19 cases ay mas ikatutuwa ito ng taumbayan.
Sa datos ng OCTA Research, hanggang nitong July 12 ay nangunguna pa rin ang Davao City sa mga Local Government Units sa labas ng National Capital Region na may pinakamataas na COVID cases.
Sa datos ng DOH, ang ICU utilization rate sa Davao City ay nasa 91% habang 73% naman ang health care utilization rate nito kaya nananatiling nasa high risk ang Covid 19 situation sa Lungsod.
Madz Moratillo