Bakuna hindi pwedeng gawing mandatory requirement sa mga estudyante
Hindi umano pwedeng gawing mandatory ang bakuna sa mga bata bago payagang makapag- enroll sa eskuwela.
Ito ang iginiit ni Pasig City Congressman Roman Romulo, Chairman ng House Committee on Basic Education, sa Kapihan sa Manila Bay News Forum sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng pertussis o whooping cough sa hanay ng mga bata ngayon.
Paliwanag pa ni Romulo, ang pag-aaral ay isang karapatan at kung lalagyan ito ng prohibisyon ay baka makaapekto lang sa sistema.
Pagdating aniya sa usaping pangkalusugan, dapat bigyang laya ang bawat isa sa pagdedesisyon.
Kahit sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na kontrolado na ang pagkalat ng pertussis sa bansa, sa datos ng Department of Health, pumalo pa sa 862 ang kaso ng sakit sa bansa.
49 sa kanila ay nasawi.
Karamihan sa kanila ay wala pang 5 taong gulang at mga hindi bakunado.
Kabilang sa mga rehiyon na may pinakamataas na kaso ng pertussis ay MIMAROPAA, National Capital Region, Central Luzon, Central Visayas at Western Visayas.
Naniniwala si Romulo na ang dapat mas palakasin ay information dissemination na ligtas at may benepisyo ang mga bakuna.
Madelyn Villar – Moratillo