A-bomb saga na ‘Oppenheimer’ binuksan na sa wakas sa Japan
Sa wakas ay ipinalabas na sa Japan ang best picture winner ng Oscars na “Oppenheimer,” kung saan ang subject nito, ang lalaking utak sa paglikha ng atomic bomb, ay isang napakasensitibo at emosyunal na paksa.
Ang US blockbuster ay ipinalabas sa United States at sa maraming iba pang mga bansa noong July nang nakalipas na taon kasabay ng “Barbie,” na naging isang viral phenomenon na tinawag ng moviegoers na “Barbenheimer.”
Subalit bagama’t ang “Barbie” ay ini-release na sa Japan noong August, ang “Oppenheimer” ay ilang buwang hindi ipinalabas sa mga sinehan.
Nang panahong iyon ay walang opisyal na paliwanag, na naging sanhi upang isipin ng marami na ang pelikula ay masyadong kontrobersiyal upang ipalabas sa Japan, ang tanging bansa na dumanas ng isang nuclear attack noong panahon ng giyera.
Humigit-kumulang sa 140,000 katao ang namatay sa Hiroshima at 74,000 naman sa Nagasaki nang maghulog ng atomic bombs ang Estados Unidos sa nabanggit na mga siyudad noong 1945, ilang araw bago natapos ang World War II.
Sa isang malaking sinehan sa central Tokyo kung saan ipinalabas ang “Oppenheimer,” ay walang prominenteng promotional material na nakita para sa pelikula na naging isang ‘global megahit.’
Sa halip ay isang maliit na poster lamang ang naroon na nag-a-advertise sa pelikula, na ang budget ay $100 million subalit kumita na ng halos $1 billion sa takilya sa buong mundo.
Ang pelikula ay istorya tungkol sa US physicist na si J. Robert Oppenheimer, na siyang nangasiwa sa pag-imbento ng bomba.
Umani ito ng magagandang mga review at naging ‘most decorated’ title sa Oscars ngayong buwan, na nakakuha ng pitong parangal kabilang ang pinakamahusay na direktor para kay Christopher Nolan at pinakamahusay na aktor para kay Cillian Murphy.
Ngunit sa Hiroshima, ang lungsod na winasak ng unang bombang nukleyar, ang tagumpay ng biopic sa Academy Awards, ay umani ng magkakahalong reaksiyon.
Sinabi ni Kyoko Heya, pangulo ng international film festival ng lungsod, “I found Nolans’s movie ‘very America-centric.’ Is this really a movie that people in Hiroshima can bear to watch?”
Subali’t pagkatapos ng pagmumuni-muni ay sinabi nito, “I now want many people to watch the movie. I’d be happy to see Hiroshima, Nagasaki and atomic weapons become the subject of discussions thanks to this movie.”
Sa ngayon, ang lungsod ay isang maunlad na metropolis na may 1.2 milyong katao, ngunit ang mga guho ng isang domed building ay isang malinaw na ala-ala ng mga kakila-kilabot na pag-atake, kasama ng isang museo at iba pang ‘sombre memorials.’
Noong nakaraang taon, ang nag-viral na memes ng “Barbenheimer” ay nagdulot sa Japan ng ‘online anger,’ kung saan na-highlight sa mga ulat ng media ang mga kritiko na nagsabing hindi ipinakita sa pelikula ang pinsalang idinulot ng mga bomba.
Sa special screening sa siyudad sa mga unang bahagi ng buwan, sinabi ng 96-anyos na bomb survivor at dating Hiroshima mayor na si Takashi Hiraoka, “There could have been much more description and depiction of the horror of atomic weapons.”
Ang “Oppenheimer” ay ipinalabas din sa isang preview event sa Nagasaki, kung saan sinabi naman ng 80-anyos na survivor na si Masao Tomonaga, na na-impress siya sa pelikula.
Aniya, “I had thought the film’s lack of… images of atomic bomb survivors was a weakness.”
Si Tomonaga, ay dalawang taon pa lamang nang ang ikalawang bomba ay tumama. Kalaunan ay naging isa siyang propesor kung saan pinag-aaralan niya ang leukaemia na naging bunga ng mga pag-atake, “But in fact, Oppenheimer’s lines in dozens of scenes showed his shock at the reality of the atomic bombing. That was enough for me.”