Abalos nanindigan sa alegasyon ng cover-up sa shabu probe
Nanindigan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa kaniyang pagbubunyag sa posibleng cover-up sa imbestigasyon ng 990 kilong shabu na nakumpiska sa drug operation sa Tundo, Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa isang statement, sinabi ni Abalos na mismong ang video sa nasabing insidente ang nagpapakita kung ano ang totoong nangyari.
Ginawa ni Abalos ang statement matapos itanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. na may nangyaring cover-up sa imbestigasyon ng kaso.
Sa nasabing drug operation nahuli si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
“The thing speaks for itself. The video in itself is a statement about what transpired,” paliwanag pa ni Abalos.
Bagama’t inire-respeto umano niya si General Azurin, sinabi ni Abalos na sasang-ayon itong dapat malaman ng publiko ang katotohanan.
“Hindi lamang sa isyu ng 42 kilos ng ilegal na droga, kundi higit sa lahat sa kung ano ang nangyari sa 900 kilos na nakumpiska,” diin pa ng kalihim.
Ipinau-ubaya naman ni Abalos sa National Police Commission (NAPOLCOM) na kaniya ring pinangangasiwaan ang pagsisiyasat sa isyu.
“I trust that the NAPOLCOM will investigate thoroughly as per its mandate,” dagdag pa ni Abalos.
Una rito, pinangalanan ni Abalos ang 10 opisyal ng PNP na hinamong magbakasyon o sisisantehin dahil sa hinihinalang cover-up sa imbestigasyon.
Iprinisinta din ni Abalos ang video sa operasyon noong Oktubre kung saan nakitang nakaposas si Mayo at pinakawalan, gayundin ang mga pulis na nagdatingan sa lugar kung nasaan si Mayo.
Sa nasabing operasyon nawala rin ang 42 kilo ng shabu.
Binuo naman ang fact-finding team ng NAPOLCOM upang tingnan kung bakit sa loob ng halos anim na buwan ay mabagal pa rin ang imbestigasyon sa kaso laban kay Mayo.
Weng dela Fuente