ABBA nagbabalik, mga bagong awitin pasok sa UK singles chart
Sa unang pagkakataon makalipas ang 40-taon, muling napasama ang ABBA sa top 10 singles chart ng Britain, matapos masabik ang fans sa planong bagong album at virtual concert ng grupo.
Ayon sa Official Charts Company, dalawang singles na kasama sa upcoming album ng grupo na “Voyage” ang nasa number six at seven, base sa preliminary CD at vinyl sales at sa streaming data.
Ang “I Still Have Faith In You” naman ay nasa mas mataas na puwesto dahil sa mas maraming physical sales nito, habang ang “Don’t Shut Me Down” ang most downloaded song sa Britanya. Ang dalawang awitin ay kapwa higit 500 libong beses na na-stream.
Ayon pa sa kompanya . . . “The full chart comes out next Friday, and the tracks will mark ABBA’s first appearance in the UK top 10 for singles since ‘One Of Us’ in December 1981.”
Ang ABBA ay mayroong higit 400 million album sales sa loob ng higit 50 taon, sa kabila ng paghihiwalay ng grupo noong 1982 at pagtanggi sa lahat ng alok sa kanila na muling magsama-sama.
Inanunsiyo ng banda ang kanilang pagbabalik noong Huwebes. Ang album ay nakatakdang i-release sa November 5 at ang London concert naman nila na katatampukan ng kanilang digital avatars ay inaasahang gaganapin sa May 2022.
Samantala, hindi lamang ang ABBA ang nagbalik sa UK top 10, sa unang pagkakataon sa loob ng halos 20 taon, si Elton John ay tampok bilang lead artist sa “Cold Heart (Pnau Remix),” isang kolaborasyon kasama si Dua Lipa.