Abogado ng may-ari ng SUV na nanagasa sa security guard, Umaareglo na
Sinusubukang makipag- areglo ng kampo ng may- ari ng puting SUV na nanagasa sa isang security guard sa Mandaluyong nitong linggo.
Ayon sa Mandaluyong Police, may mga abogado nang kumokontak sa pamilya ng biktimang si Christian Floralde at nagsabing sasagutin nila ang gastusin sa pagpapaospital nito.
Kinumpirma ng Security Agency na Raptor na nakausap na nila ang pamilya ng suspek pero wala pa raw desisyon kung magpapaareglo si Floralde.
Priority raw ang sitwasyon ng biktima na hanggang ngayon ay nasa ICU.
Hindi pa raw maayos ang kundisyon ng biktima na ngayon ay dumadaing ng pananakit ng dibdib at tiyan matapos sagasaan ng suspek.
Kanina, hindi naman sumipot sa ipinatawag na pagdinig ng Land Transportation Office ang suspek.
Ayon sa LTO, maglalabas na sila final show cause order para paharapin sa biyernes at kung hindi sisipot dedesisyunan na nila ang kaso nito.
Ayon kay Senador Elect JV Ejercito, nagpadala ng emisaryo sa kanya ang suspek at sinabing susuko na ito sa mga pulis.
Nangako rin aniya ang pamilya ng suspek na sasagutin ang anumang gastusin sa pagpapagamot sa ospital ng biktima.
Nauna na kasing nag-alok ng limampung libong pisong reward si Ejercito para sa sinumang makapagtuturo at magbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.
Kasabay nito pumalag si Ejercito sa mga alegasyon na nagpapadrino siya para sa suspek.
Ayon sa senador, nag- alok siya ng reward dahil galit rin sIya sa ginawa nitong pagsagasa sa biktima at para makatulong na mabilis na maaresto ang suspek at hindi para mag -areglo.
Meanne Corvera