Abogado, pinatawan ng disbarment ng Korte Suprema dahil sa pagloko sa kliyente at hindi pagtugon sa direktiba ng SC
Ipinagutos ng Korte Suprema na tanggalin sa Roll of Attorneys ang pangalan ng isang abogado dahil sa pagloko sa kliyente na bilhin muli ang ancestral house nito at hindi pagtugon sa direktiba ng Supreme Court.
Sa per curiam decision, pinatawan ng SC ng disbarment si Atty. Nini D. Cruz dahil sa pagloko sa complainant na si Gracita P. Domingo-Agaton na mag-isyu ng manager’s check na halagang P2 million para makuha muli ang ancestral home nito sa Olongapo City.
Ayon sa complainant, hindi niya nakuha ang kanyang salapi at ancestral house dahil ginamit ni Cruz ang manager’s check para ma-settle ang obligasyon ng kliyente nito sa ibang kaso.
Sinabi ng SC na malinaw na nilabag ni Cruz ang Lawyer’s Oath at ang Canons of Professional Responsibility dahil sa “dishonest, deceitful and fraudulent conduct” nito.
Inatasan din ng Korte Suprema si Cruz na i-refund sa complainant ang P2 million na manager’s check at ang
6% interest per annum mula October 12, 2015 hanggang sa full payment.
Inihayag pa ng SC na ilang ulit nabigo si Cruz na isumite ang komento nito sa disbarment complaint sa kabila ng mga abiso.
Ipinunto ng Korte Suprema na pinili ni Cruz na manahimik kahit seryoso ang mga reklamo laban dito.
Moira Encina