Abogadong hindi ibinigay ang settlement money na para sa kanyang kliyente, pinatawan ng disbarment ng Korte Suprema
Tinanggal ng Supreme Court sa Roll of Attorneys ang pangalan ng isang abogado dahil sa pagtangging ibigay ang settlement money sa kliyente nito sa kabila ng paulit-ulit na demand sa kanya.
Sa desisyon ng Korte Suprema, pinatawan nito ng disbarment ang abogadong si Jude Francis V. Zambrano dahil sa mga paglabag sa Code of Professional Responsibility.
Inatasan din ng Supreme Court si Zamora na agad na i-remit sa complainant na si Diwei “Bryan” Huang ang halagang 250 thousand pesos na may six percent annual interest hanggang sa mabayaran ito nang buo at isumite ang proof of payment sa Korte Suprema.
Kinuha ng complainant ang serbisyo ni Zambrano noong 2014 para sa pagsasampa ng estafa case laban sa ilang indibidwal sa Pasig City Prosecutors Office.
Pumayag ang mga respondents na magbayad na lang ng 250 thousand pesos kay Huang.
Wala madalas sa bansa si Huang kaya inirekomenda nyang ideposito sa kanyang account o sa isang kaibigan nito ang pera.
Tinanggihan ito ni Zambrano at sinabi sa kanya dapat idaan ang settlement money.
Pero kahit naibigay na ng mga respondents ang settlement proceeds sa abogado ay hindi pa rin ito ibinigay ni Zambrano kay Huang at nagdahilan na hindi pa raw pormal na nababasura ang kaso at abala at may isyu siya sa pamilya.
Dahil dito, tuluyan nang naghain ng disbarment case si Huang laban kay Zambrano na bigo namang maghain ng sagot sa isinampang reklamo sa kanya sa Supreme Court.
Ulat ni Moira Encina