Abra Congresswoman Ching Bernos at Benguet Congressman Eric Yap nagpasaklolo kay Pangulong Marcos Jr., para sa mga kababayang biktima ng malakas na lindol
Nananawagan si Abra Congresswoman Ching Bernos sa National government para makabangon ang kanyang mga kababayan na tinamaan ng malakas na lindol.
Sa kanyang privilege speech sa Plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso umapela si Bernos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang lalawigan ng Abra.
Ayon kay Bernos, umaasa siya kay Pangulong Marcos Jr. bilang ama ng bansa na hindi pababayaan ang kanyang lalawigan at mga kababayan.
Inihayag ni Bernos na kailangan ng Abra na matulungan sila ng National government para sa rehabilitation ng mga nasirang imprastraktura na kinabibilangan ng mga kalsada, paaralan, hospital maging ang mga kabahayan.
Sa panig naman ni Benguet Congressman Eric Yap nakikipagtulungan na ang mga local government units sa Department of Public Works and Highways o DPWH kaugnay ng isinasagawang clearing operations sa mga daanan na natabunan ng landslides dulot ng malakas na lindol.
Sinabi ni Yap na napakaliit ng pondo ng Benguet kaya kailangan ang tulong ng National government dahil karamihan sa mga bayan sa kanilang lalawigan ay kabilang sa 5th class municipalities kaya maliit lamang ang nagiging bahagi sa Internal Revenue Allotment o IRA fund.
Inihayag ni Yap na kumilos na rin ang kanyang tanggapan para maabutan ng tulong ang mga kababayang nasira ang tirahan lalo na sa pamilyang namatayan.
Vic Somintac