Abril 9: Araw ng Pagsuko o Araw ng Kagitingan?
“Ang pagsuko upang kilalanin ang katotohanang hindi lahat ng laban ay kailangang ipilit na maipanalo ay isang kagitingan. Ang kaalaman kung kailan dapat isuko ang laban ay hindi karuwagan.”
Noong Abril 9, 1942, sumuko ang magkasanib na pwersa ng mga sundalong Amerikano at Filipino sa mga mananakop na Japanese Imperial Army at Navy matapos ang tatlong buwan nang matinding labanan sa Bataan.
Sumuko ang nasa 76,000 sundalong Filipino at Amerikano dahil sa kakulangan ng supply ng pagkain, gamot at bala.
Ginugunita natin ito ngayon bilang Araw ng Kagitingan at hindi bilang Araw ng Pagsuko.
Noong Abril 6, 1961, labing siyam na taon ang lumipas matapos ang makasaysayang pagsuko, isinabatas ang Republic Act 3022 na nagdedeklara sa Abril 9 bawat taon bilang Bataan Day na isang holiday.
Bagamat malinaw na nakasulat sa nasabing batas na Bataan Day ang Abril 9, madalas itong gunitain bilang anibersaryo ng “The Fall of Bataan” tuwing sumasapit ang nasabing petsa.
Labing siyam na taon ring ginunita ng bansa ang Bataan Day, hanggang ipalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos noong Nobyember 26, 1980 ang isang Letter of Instruction (LOI ) number 1087 na nadedeklara ng Araw ng Kagitingan (Bataan, Corregidor and Besang Pass Day) subalit inilipat ang petsa sa Mayo 6.
Mayo 6, 1942 nang sumuko ang pinakahuling tropa ng mga sundalong Amerikano at Filipino na nanatili sa isla ng Corregidor matapos bumagsak ang Bataan sa kamay ng mga Hapones.
Gayunman, ibinalik sa Abril 9 ang paggunita sa Araw ng Kagitingan (Bataan and Corregidor Day) noong Hunyo 30, 1987 sa pamamagitan ng Executive Order No. 203 na ipinalabas ni Pangulong Corazon Aquino.
Pagsuko o Kagitingan
Mabigat tanggapin ang pagsuko dahil ang pagsuko ay katumbas ng pag-amin ng kabiguan, isang bagay na mahirap tanggapin kahit sa anomang larangan. Bukod pa dito ang hapding dapat tiisin matapos ang pagsuko.
Sa pagsuko noong Abril 9, 1942 ng mga sundalong Amerikano at Filipino sa kamay ng mga mananakop na dayuhan, hindi lamang pagdurusang emosyonal ang kanilang naranasan, kundi maging ang hirap at hapdi sa katawan nang paglakarin ang mga sundalo mula Bataan hanggang sa Camp O’Donnel sa San Fernando, Pampanga.
Sugatan, gutom, at pagod ang karamihan sa mga sundalo matapos ang mahabang labanan na nauwi sa pagsuko, na sinundan pa ng sapilitang pagmamartsa na may layong 145 kilometro. Marami ang hindi na nakarating sa dulo ng tinaguriang Bataan Death March na ito.
Malinaw na pagsuko lamang ang makikita sa nasabing eksena kung ang paningin ng isang magmamasid ay nakatutok lamang sa pagkatalo. Pagsuko rin ang makikita kung puputulin ang kwento, kung hindi uunawain na sa bawat laban, kailangan ang sakripisyo upang makamit ang pagkapanalo.
Bagamat tumagal pa ng apat na taon bago tuluyang nagwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasaysayan na rin ang nagpapatunay sa napakahalagang papel na ginampanan ng mga sundalong Filipino upang ito ay makamit.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, batid nating hindi lahat ng pagsuko ay pagkatalo, dahil hindi lahat ng laban ay dapat nating ipilit na maipanalo. May mga labang dapat isuko o isakripisyo upang maipanalo ang higit na mahahalagang laban sa ating buhay sa mundo. Ang pagsuko upang kilalanin ang katotohanang ito ay isang kagitingan. Ang kaalaman kung kailan dapat isuko ang laban ay hindi karuwagan.
Nelson Lubao / Vic Somintac