Abu Sayyaf member na nasa likod ng pagdukot sa Italian priest, patay sa engkuwentro
Patay sa engkuwentro ang isang miembro ng Abu Sayyaf, na nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa pagdukot sa ilang indibidwal, kabilang ang isang Italian priest nong 2007.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), si Samad Awang alias Ahmad Jamal, ay nasawi dahil sa mga tama ng bala ng baril matapos makipag-engkuwentro sa mga pinagsamang puwersa ng pulis, militar at marine team na magsisilbi sana ng isang warrant para sa kaniya sa Sitio Sohaya, Barangay Mampang, Zamboanga City.
Sinabi naman ni Police Brig. Gen Jonel Estomo, director ng PNP Anti-Kidnapping Group, na ang warrant na inisyu ni Presiding Judge Josefino Bael ng RTC Branch 31 ng Imelda, Zamboanga Sibugay, ay para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Batay sa ulat, si Awang ay sangkot sa pagdukot kay Joel Endino noong Jan 29, 2011 sa Ipil, Zamboanga Sibugay; Kathy Casipong noong 2013; at paring Italyano na si Giancarlo Bossi noong 2007.
Si Bossi ay 20 taon nang naninirahan sa Pilipinas, nang siya ay dukutin ng Abu Sayyaf sa Payao, Zamboanga Sibugay at binihag sa isla ng Basilan ng higit isang buwan.
Pinalaya din siya ng kidnappers, at muling nakabalik sa Italya kung saan siya namanatay dahil sa cancer noong 2012.
Ayon sa PNP, kasama rin si Awang sa talaan ng 25th Most Wanted Kidnapping for Ransom suspect sa Western Mindanao, bilang sub-leader ng Abdussalam Group na may kaugnayan sa Abu Sayyaf faction ni Furuji Indama.
Liza Flores