Access sa opisyal na Facebook page ng Philippine Coast Guard nabawi na
Nabawi na ng Philippine Coast Guard ang full access sa kanilang official Facebook page.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, alas-9:00 kaninang umaga nang mabawi ng kanilang Public Affairs Service ang kontrol sa nasabing Facebook page.
Nagsasagawa na aniya ng imbestigasyon ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Meta sa nangyaring security breach.
Sinabi ni Balilo, “Merong lumabas na nagke-claim na na-hack nila ang FB natin, isang Pinoy hacker. Bina-validate at iniimbistigahan pa natin. Theyre claiming sila ang hacker tulad ng pag-hack nila sa ibang government agencies, they’re claiming sila nag-hack sa PCG.”
Ito na ang ikalawang beses na na-hack ang FB page ng Coast Guard.
Dagdag pa ni Balilo, magkakaroon din ng hardware check ang PCG kasama ang IT experts mula sa Armed Forces of the Philippines para mapalakas ang kanilang cybersecurity.
Iginiit ni Balilo na walang kinalaman sa isyu ng West Philippine Sea ang insidente.
Aniya, “Wala tayo way para ma-link sinuman.”
Burado na rin ang mga video clips na ipinost ng hacker sa page ng PCG.
Madz Villar-Muratillo