Acidic ka ba?
Hello mga kapitbahay, problema mo ba ang stomach acidity o acidic ka ba? Paano nga malalaman kung acidic ang isang tao? Pinasagot po natin ang isang Gastroenterologist sa National Kidney and Transplant Insitute o NKTI na si Dr. Ira Inductivo-Yu. Narito ang kanyang paliwanag … to begin with ang isang tao anya ay ipinanganak na may acid sa sikmura. Walang tao na walang acid, otherwise, abnormal ito.
Ang acid ay maraming function, magkagayunman, may mga pagkakataon na mas dumarami ang acid sa tiyan, dito na sasakit ang sikmura at minsan umaabot hanggang lalamunan o tinatawag na acid reflux.
Sabi ni Doc Ira, ang pinaka common cause ng stomach ulcer ay hyperacidity. Bagaman may iba pang dahilan gaya ng bacteria, pwede ring dahil sa paninigarilyo, at kahit yung mga taong may sakit sa puso na umiinom ng aspirin araw-araw.
Ang stress ay isa sa risk factors ng hyperacidity, at kung pag-uusapan anong pagkain ang pwedeng makapag-trigger ng hyperacidity? Ang tugon ni Doc Ira, hindi naman sinasabi n’ya na ang citrus fruits ay bawal, pero, kapag meron ka ng ulcer, mas mainam na umiwas muna sa mga maaasim gaya ng suka, pinya, pineapple juice o kahit manggang hilaw lalo pa nga’t nanggagamot sa ulcer. Ngayon, after the treatment, pwede na ulit kumain ng mga nabanggit subalit in moderation. Ang bawal lang talaga anya ay alak at smoking.
Samantala, ang softdrinks, coffee, tea ay may taglay na caffeine, ang caffeine in general can increase acid production sa stomach. So, during the treatment period, umiwas muna dito and after treatment, in moderation dapat.
Anong karaniwang gamot kaya ang pwedeng inumin? Ang sabi ni Doc Ira, marami ng tableta na nakapagpapababa ng acid production na kung tawagin ay proton pump inhibitors. Ang mga gamot na ito ay once a day iniinom.
Paalala ni Doc, hindi dapat nagpapalipas ng gutom. Dapat three meals a day, breakfast, lunch at dinner at may snacks in between, pero small meals lang.
Kapag hindi naagapan ang hyperacidity, pwedeng mauwi sa ulcer o pagkabutas ng bituka. Kung hindi malala ang ulcer pwedeng sa bahay lang ang gamutan, subalit kapag malala, na sumusuka ng dugo, kailangan nang dalhin sa ospital.
Kapag nabutas ang sikmura ”emergency surgery” ang gagawin. Ang ulcer sabi ni Doc Ira ay hindi nagiging kanser, pero pwedeng magkaron ng iba- ibang kumplikasyon kapag pinabayaan.
At sa mga mahilig uminom ng softdrinks, banggit ni Doc na maliban sa hyperacidity, may pagtaas ng panganib sa pagkakaron ng sakit na diabetes at obesity.
Dapat less fats and less sugar sa diet ang mungkahi ni Doc Ira.
At ‘yan ang ilan pang karagdagang kaalaman sa hyperacidity.