Acting Prosecutor General Jorge Catalan, nag-inhibit sa kaso laban kay Kazuo Okada
Nag-inhibit na si Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr. sa reklamong Estafa na inihain ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment Incorporated laban kay Japanese gaming tycoon Kazuo Okada.
Bunsod ito ng mosyon na inihain ng Tiger Resorts laban kay Catalan na umuupo rin bilang concurrent City Prosecutor ng Makati City para hindi mabahiran ng pagdududa ang paghawak ng DOJ sa reklamo.
Nabatid na pinaboran na dati ni Catalan bilang Makati City Prosecutor ang pagbasura sa three counts ng perjury complaint laban kina Okada at Takahiro Usui na mga respondent sa inihain ng kumpanya na estafa cases sa Parañaque prosecutors’ office.
Sa sulat ni Catalan kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sinabi nito na hindi siya gagawa ng anomang hakbang kaugnay ng mga reklamo at hindi rin magrerekomenda ng sinomang piskal na magiging acting city prosecutor ng Paranaque na hahawak sa kaso
Ipinauubaya na rin ni Catalan kay Guevarra ang pagpapalabas ng kautusan para sa pagtatalaga ng myembro ng National Prosecution Service na magpapatuloy ng pagdinig sa nasabing mga reklamo.
Una nang umapela ang Tiger Resorts kay Guevarra na pakinggan ang kanilang mosyon at panindigan ang pahayag nito na ibalik ang tiwala at kumpyansa ng publiko sa DOJ sa pamamagitan ng pagtiyak na magiging patas ang kagawaran sa paghawak sa lahat ng mga kaso.
Nabatikos si Catalan nang kanyang katigan ang pagbasura ng unang panel ng DOJ sa reklamong may kinalaman sa iligal na droga na inihain ng PNP-CIDG laban kina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa na naging dahilan din kaya napalitan sa pwesto si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ulat ni Moira Encina