Active cases ng COVID- 19 sa bansa posibleng mas bumaba pa ngayong linggo
Posibleng mas mababa pa ang maitalang aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa ngayong linggong ito.
Ito ang pagtaya ni Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng Technical Advisory Group ng Department of Health kung magpapatuloy pa ang mahigit 1,000 lamang na bagong kaso ng Covid-19 na maitatala kada araw.
Kahapon, nasa 60,532 nalang ang naitalang aktibong kaso ng covid- 19 sa bansa.
Ayon kay Salvaña, maging ang mga kaso ng severe at critical ay patuloy rin sa pagbaba kung saan sa mahigit 60,000 active cases ay 1,421 lamang ang severe at 305 ang kritikal.
Ang health care utilization rate aniya sa bansa ay hindi na rin umabot sa 30% na isang magandang indikasyon.
Matatandaang una naring sinabi ng DOH na kung magpapatuloy ang pagbaba pa ng mga kaso, posibleng pagsapit ng kalagitnaan ng Marso ay hindi na umabot sa 100 ang maitalang bagong kaso ng virus infection kada araw.
Patuloy namang hinihikayat ni Salvaña ang publiko na huwag magpabaya sa pagsunod sa health protocols, at para sa mga Hindi pa bakunado, magpabakuna na kontra covid-19.
Madz Moratillo