Active cases ng COVID-19 sa mga healthcare worker sa bansa umabot na sa mahigit 200
Umakyat na sa 205 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga medical frontliner sa bansa.
Sa datos ng Department of Health, 134 sa mga ito ay mild cases, 50 ang asymptomatic, 9 ang nasa moderate condition, 10 ang severe at 2 ang kritikal.
Sa kabuuan, umabot na sa 28,977 ang kabuuang bilang ng mga healthcare worker sa bansa na tinamaan ng COVID-19.
Nakarekober naman ang 28,655 sa kanila pero nasawi ang 117.
Pinakamarami sa mga tinatamaan ng virus ay sa mga nurse, sinundan ng mga doktor at nursing assistant.
Ang DOH umaapila naman sa publiko na kung mild lamang ang nararamdamang sintomas ay huwag ng pumunta sa emergency room ng mga ospital.
Giit ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire, may telemedicine naman kung saan pwedeng magpakonsulta.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan aniya ang panganib na mahawahan ng virus ang mga health worker.
Madz Moratillo