Ad interim appointment ni DSWD Sec. Rex Gatchalian lusot na sa CA
Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pero bago tuluyang aprubahan ang kaniyang kumpirmasyon, tinanong ng mga mambabatas si Gatchalian sa mga proyekto at programa ng DSWD.
Kabilang na rito ang implementasyon ng Solo Parents Act kung saan target na mabigyan ng ayuda ang mga solo parents at mga Senior Citizens.
Sinabi ni Gatchalian na mas madali na ngayon ang pamamahagi ng ayuda dahil tinanggal na ang ilang requirements.
Nagsimula na rin aniya ang digitalization program ng kagawaran para hindi na kailangang pumila ang mga mahihirap na nangangailan ng tulong mula sa DSWD.
Para matiyak na lehitimong mga mahihirap ang makikinabang ng ayuda mula sa gobyerno, nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Statistic Authority (PSA) para magamit ang detalye ng kanilang database batay na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang mga beneficiaries ay bibigyan ng digital card na maari nilang magamit pambili ng pagkain, partikular na sa mga Kadiwa stores.
“Kasi with the investment in PhilSys, also a world bank program, me biometrics na ho yun… meron na syang base, we use that as part of authentication ng cash disbursement digitally,” paliwanag ni Sec. Gatchalian sa CA.
Ini-anunsyo naman ng kalihim na mapapabilang na sa mabibigyan ngayon ng tulong pinansyal ang mga bikitma ng human trafficking sa ilalim ng kanilang programang assistance in crisis situation.
Meanne Corvera