Administrative sanctions,ipapataw sa mga employer na hindi papapasukin sa trabaho ang kanilang mga empleyadong walang bakuna
Binalaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na papatawan ng administrative sanctions ang mga employer na hindi papapasukin sa trabaho ang kanilang mga empleyado na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Giit ni Bello, hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa pagitan ng mga bakunado na at hindi pa.
Hinikayat naman ng kalihim ang mga manggagawang makakaranas ng diskriminasyon mula sa employer na ireport ito sa DOLE sa pamamagitan ng Hotline 1349.
Maglalabas aniya ng compliance order ang DOLE sa mga employer na hindi papapasukin ang mga hindi bakunadong empleyado.
Dapat din aniyang bayaran ng employer ang sweldo ng mga ito.
Hinikayat rin ng kalihim ang mga manggagawang hindi pa nababakunahan na huwag matakot dahil ligtas naman ang mga bakuna.
Maging ang Department of Health, una naring nagpaalala na boluntaryo ang pagpapabakuna kontra COVID-19.
Pero iginiit ng DOH na mahalaga ang bakuna upang magkaroon ng proteksyon laban sa virus.
Madz Moratillo